Sunday, October 16, 2016

IKAW BA'Y KANINO?


Mahal na mga kapatid at mga kababayan, matagal ko na itong nakatakdang isulat, ilang buwan na ang nakalipas subalit ako ay nag ala-Jonas at tumakas patungong Tarsis. At alam ninyo naman kung ano ang nangyari kay Jonas nang tumakas siya mula sa utos ni Jehova, hindi rin nanaig ang sarili niyang kagustuhan sapagkat kumilos si Jehova anupat nalagay si Jonas sa isang kalagayan kung saan wala na siyang iba pang pagpipilian kundi na sumunod sa kaniyang atas. Sa katulad na paraan ay tila ba hinila akong pabalik ng Diyos na Jehova upang gawin ang isang bagay na matagal ko na sanang ginawa- ang babalaan kayo.  Hindi ko lamang karapatan na isulat ito at babalaan kayo bilang awtor ng blog na ito, bagkus pananagutan ko nga sa dugo na gawin ito at paalalahanan kayo tungkol sa nakapangingilabot na katotohanan kapwa may kinalaman sa Diyos at sa mga website na nag-aangking nagmumula sa Diyos.

Sa mga matagal nang nakapunta sa blog na ito, malamang na nakita ninyo ang isang sanaysay na isinulat ko sa Ingles na nagsasabi na mayroong lugar na maaring mapuntahan ang mga tulad ko na pinakitunguhan ng walang katarungan o yaong mga may mga pagdududang mga Saksi ni Jehova kung saan sila ay makakatanggap ng mga pampatibay at bukod-tanging katotohanan lamang. Tinanggal ko na ang sanaysay na iyon.

Kung inyo nang nabasa ang mga isinalin kong mga artikulo mula sa isang website na nakalink sa blog na ito at sa halos bawat artikulong aking isinasalin, mayroon tayong mahahalagang bagay na matututunan: Iyon ay na una, laging tunguhin ni Satanas na lihim na isama ang kaniyang sarili sa mga lingkod ng Diyos at pangalawa, na walang sinumang tao ang nakahihigit na sa mga apostol na dinispilina, sinaway at ibinaba pa nga ng panginoong Jesus nang makailang ulit- iyon nga ay kumakapit sa Organisasyon ni Jehova ngayon, lalu na sa pinahirang liderato nito at siyempre naman bakit hindi, gayundin sa lahat ng iba pang mga tao o mga website na nag-aangking mula sa Diyos.

Ipinaaalala sa atin ng Bibliya na ang tao gaano man kabuti ang hangarin sa simula, ay tao pa rin na mayroong tendensiyang magkamali, maging tiwali at lubusang mahila sa kasalanan anupat maging mapagmatuwid sa sarili at sa huli pa nga ay tuwirang mauwi sa pagiging balakyot. Sinasabi sa atin ng Eclesiastes 7:20: “ Sapagkat walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.” Angkop ngang teksto iyan na isaalang-alang natin kahit na tayo ay nagaangking “nasa katotohanan na” (sa loob ng organisasyon) o patuloy na naghahanap ng katotohanan tungkol sa Diyos mula sa iba’t-ibang website na nangangakong mula sa Diyos. Totoo, maging ako ay nagbabahagi sa inyo ng mga artikulo mula sa e-watchman.com subalit upang maging malinaw: hindi ko ginagarantiyahan na ang lahat ng mga bagay na mababasa ninyo roon ay katotohanan at lalung  hindi ko sasabihin sa inyo o irerekomenda sa inyo na maaari kayong ligtas na makipagsalamuha sa ibang mga nag-aangkin ring mga kapatid roon (kumakapit sa lahat ng website) sapagkat hindi natin lubusang nalalaman ang katayuan ng mga taong makikilala natin sa internet sa harap ng Diyos na Jehova - sapagkat iyon ay isang bagay na tanging ang Diyos lang ang nakakaalam. Kung ang mga kapatid nga at iginagalang nating mga matatanda sa kongregasyon na matagal na nating nakasama at para bang kilalang kilala na natin ay nagagawa pa tayong linlangin, lalung lalu naman yaong hindi natin personal na kilala. Dapat na alam na natin ngayon na ang sinasabi ng isang tao sa ginagawa niya ay maaaring dalawang magkaibang bagay. Ayokong magkaroon ng pananagutan sa dugo sa sinuman sa inyo, lalu na doon sa mga mahihina o naabusong tulad ko kapag mayroong di-inaasahang masamang pangyayari  o pagsubok na sumapit sa inyo na mula sa inyong pagreresearch sa internet.

Muli nating balikan ang aking isinaad sa ikalawang parapo sa sanaysay na ito, ang dahilan na tinanggal ko ang sanaysay na iyon ay sapagkat ayon na rin sa aming karanasan ng aking kabiyak: WALA NA TAYONG IBA PANG MAPUPUNTAHAN . Walang organisasyon o website sa mundong ito ngayon ang hindi kayang abutin ni Satanas. Gaya nga ng kasong ibinangon sa mga artikulong aking isinalin, ang mismong bayan ni Jehova ngayon ay pinamumunuan ng isang “taong tampalasan” na tila ba tulad ni Judas na kumikilos upang magpalaganap ng kasinungalingan at panlilinlang at nagiging sanhi ng pagkatisod ng marami at ng mas malawakan pang pagkatisod sa hinaharap. Hindi nga natin maaaring maliitin si Satanas o isipin na sa paanuman ay papayag siyang mautakan anupat hindi niya mapapansin ang anumang website o grupo na maaaring puntahan ng mga tunay na lingkod ng Diyos. Si Satanas ay lubhang tuso at gaya nga ng binabanggit sa atin sa mga pahayag siya ay masipag at tila ba madalas na “nag-oovertime” upang silain ang mga tapat na lingkod ng Diyos. Sa madaling salita ang kaisipan na mayroong taong tampalasan o ahente ni Satanas sa gitna ng bayan ng Diyos ay dapat kumapit rin sa anumang lugar, samahan o website na nag-aangking mula kay Jehova.

Bagaman napakabigat para sa akin na isulat ang sanaysay na ito at sabihin sa inyo ang mga bagay na ito, para saan pa ba ang pagsasakripisyo naming mag-asawa na lumantad sa madla at maging tudlaan ng pagkapoot sa pag-asang makakatulong kami sa kahit na iilan lamang na mga kapatid na maaring matisod sa hinaharap kung ngayon pa lamang ay matitisod na sila. Sa Ingles, it defeats the purpose, wika nga. Idinidiin sa atin ng Bibliya ang pangangailangang magpasakop doon sa mga nangunguna sa atin subalit balanse naman ito sa pagsasabi na hindi tayo dapat na magtiwala sa tao o na asahan natin na ang lahat ng tila ba “kinasihang mga kapahayagan” bilang katotohanan. Hindi nagkulang ang Bibliya sa pagpapaalala sa atin na subukin muna at suriin ang lahat ng mga bagay at kasama na rin diyan ang pagpapapaalala na maging maingat at mapamili sa ating mga kasama. -1 Corinto 15:33

Nakapangingilabot nga na tila ang bawat samahan ng mga lingkod ng Diyos ay napasok na ng Diyablo. Ang liderato ng organisasyon halimbawa na ay hindi naging maibigin o makatarungan man lamang sa pagturing sa mga matatanda nang mga Saksi, sa mga ulila at balo, sa mga nangangailangan at lalu na roon sa mga batang naabuso ng mismong mga taong bahagi rin ng kongregasyon subalit hindi ko na magagawa pang labis na tuligsain ang Samahan dahil sa kanilang kawalan ng pakundangan, pakialam at pag-ibig sa mga mananamba ni Jehova na higit na nangangailangan sapagkat kung tutuusin, hindi naman makagagawa ng higit na buti ang ibang mga awtor ng website na tumutuligsa sa Organisasyon. Hindi natin maaasahan na kung ang sinuman ang nasa kalagayan ng Lupong Tagapamahala ay mas mainam ang magagawa nila. Sa ingles nga, they won't fare any better. Madaling magsalita at mamuna ng iba subalit natuklasan namin na sa huli ay pare-pareho lamang na mga di-sakdal at nakagagawa ng hindi mabubuting pagpapasiya ang bawat taong nangunguna sa mga lingkod ng Diyos, sa Organisasyon man o sa labas nito. Hindi rin natin dapat na asahan ang tunay na pag-ibig pangkapatid sa anumang website o samahan ngayon. Ang espirituwal na paraisong ipinangako ni Jehova ay doon pa sa hinaharap, hindi sa ngayon.


Bilang isang biktima ng pang-aapi at pangaabuso sa loob ng organisasyon, alam ko ang maaaring maramdaman ng ilan sa inyo na maaaring may katulad kong karanasan sa pagkakaalam na wala na tayong iba pang maaring mapuntahan kung saan tayo ay ligtas mula sa mga mapaniil na mga lobo, kasinungalingan o kaya naman ay mula sa mga ahente ni Satanas. Sa totoo lang, maging ako ay nasisiraan din ng loob at tila ba naabot ko na ang hangganan ng aking pagtitiis sapagkat sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ko bilang isang di-bautisadong lingkod, labing isang taon na ang nakakalipas at magpasanghanggang ngayon bilang isang bautisadong lingkod ng Diyos, ina at asawa, ay nagsumikap naman akong magtiis at patuloy na maglingkod kay Jehova sa kabila ng anumang delubyong sumasapit sa amin. Subalit kung iisipin ang haba ng pasensiya ni Jehova sa atin, kapag tayo ay nagkakamali o ang mahabang pagtitiis na ipinapamalas niya sa pagpapahintulot na manatili pa ang sistemang ito ni Satanas at sa gayon ay magkaroon pa ng pagkakataon ang iba na maligtas, gayundin kahaba ang inaasahan ng Diyos na pasensiya at pagtitiis mula sa atin. Noong bautismo natin ano ba ang ating ipinanata, hindi ba na paglilingkuran natin si Jehova hanggang kamatayan anupat inuuna kung ano ang kagustuhan niya sa halip na ang sa atin? Kung tayo ay matapat sa ating panata kay Jehova dapat na handa tayong manatiling matibay at di-natitinag sa ating pananampalataya sa kaniya anuman ang maging kalagayan. Tandaan rin natin ang binabanggit sa Mateo 24:13 “Ngunit siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” Bilang mga Kristiyano, dapat ay batid na natin ang pasaning kaakibat ng pagigi nating Saksi, na daraan tayo sa maraming kapighatian at nangangailangan na tayo ay patuluyang makapagbata, kung nais nating maligtas. Naririto tayo at nabubuhay ngayon sa bulok na sistema ni Satanas hindi natin dapat asahan na gagawin niyang madali ang mga bagay bagay para sa atin kundi ang kabaligtaran lamang nito.

Maaaring nakakapanlumong malaman ang bagay na ito. Lalu para sa akin sapagkat hindi ako naging marunong anupat ipinagpalagay na hahayaan na ng Diyablo na maging madali na lamang ang lahat pagkatapos ng aming mga matitinding pinagdaanan. Subalit hindi nga dapat gayon ang pananaw natin kundi sa halip ay, dapat handa tayo anumang oras na manatiling tapat kay Jehova, tayo man ay pinakikitunguhan ng masama sa loob ng kongregasyon o sa labas nito. Hindi tayo dapat na huminto na lamang sa pagtitiwala kay Jehova dahil wala na tayong lugar na mapupuntahan upang sambahin siya nang tiwasay. Kung tayo ay malalagay sa kalagayan na ang mayroon nalang tayo ay ang Bibliya at si Jehova – wala na tayong iba pang kailangan, nasa atin nang lahat ang kailangan natin. At tandaan natin: anuman ang gawin ng tao at sa anumang kalagayan tayo mapaharap, walang anumang bagay ang maaaring makapaghiwalay sa atin mula kay Jehova. Ang Roma 8:38-39 ay kababasahan nga natin ng ganito: " Sapagkat kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan  kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anupamang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos..."

Ano ang makakatulong sa atin para manatiling tapat sa kabila ng mga mahihirap na kalagayang tulad nito? Isa lang ang simpleng katanungan na dapat nating isaalang-alang ayon nga sa isang kilalang kingdom song hango sa Roma 14:8:


-IKAW BA’Y KANINO? SINO BA ANG DIYOS MO?


(Sa pagpapatuloy)

“Ako ba’y kanino?

Jehova ay susundin.

Diyos na aking paglilingkuran;

Panata’y ’di tatalikdan.

Ako ay binili;

Kay Jah lang maglilingkod.

Hain ni Jesus sa ’ki’y tumubos;

Ako’y ’di tatalikod.”



(Kami man ay mariing tinuligsa dahil sa paninindigang ito, na manatiling gitna at balanse sa mga bagay bagay, hindi kami dumanas ng katakot-takot na pag-uusig at pagdurusa para lamang sa huli ay maging tagapagpalugod at tagasunod ng sinumang tao.)



Tuesday, October 11, 2016

"Ang Araw ni Jehova ay Malapit na"



Petsang inilathala: Pebrero 02, 2012

Ang artikulong ito ay orihinal na isinulat sa Ingles at matatagpuan sa link na ito: https://e-watchman.com/day-jehovah-near/

Ang artikulong ito ay makatutulong sa mga minamahal naming mga kapatid upang maunawaan nang malinaw ang mga bagay na nakatakdang pagdaan ng mga lingkod ni Jehova at ng kaniyang buong organisasyon sa malapit na hinaharap. Nawa ay matulungan kayo ng artikulong ito na mapaghandaan ang kasindak-sindak at nakagugulat na mga kaganapan na mangyayari sa hinaharap nang may lubos na kapakumbabaan at katapatan sa ating Dakilang Maylalang, si Jehova. 

                     --------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

“At ako ay magbibigay ng mga palatandaan sa mga langit at sa lupa, dugo at apoy at mga haliging usok. Ang araw mismo ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.”

Isang bagong madilim na kapanahunan ang paparating - na makikilala bilang ang pagkawasak ng sibilisasyon sa kabuuan nito. Tiyak na ang ngayong lubhang nagmamadali nang araw ni Jehova ay ang magiging pinaka madilim na yugto sa magulong kasaysayan ng sangkatauhan. Ang epekto nito sa mundo ay magiging lubhang katakot-takot anupat magimimistulan na ang araw, buwan at mga bituin ay hinatak ng mismong kamay ng Diyos mula sa langit.

Ang araw ni Jehova ay susundan ng sakuna ng tao na ibinunsod ng mga demonyo na babalot sa mga bansa sa dugo, apoy at mga haliging usok; na maghaharap sa lahat ng mga tao sa kanilang sariling kawalang kakayahan at kawalang kabuluhan. At ang ating pagtugon sa bumabalot sa globong kalamidad na iyon ang magsisilbing basehan para sa paghatol ng Diyos, yamang ipipilit nito sa buong sangkatauhan ang hindi maiiwasang pagpili ng alinman sa maliwanag na pagtanggap sa pamamahala ng kaharian ni Kristo o ng pananata ng katapatan sa huling kahariang pantao na tumututol sa pamamahala ng Diyos- ang gaya - gayang kaharian ni Satanas, ang tinatawag bilang ang new world order.

Ang huling mga talata ng hula ng Joel ay nagsasaad na ang makasagisag na pananalakay ng balang ay magsisilbing panimula ng Armagedon, na tuluyang hahantong sa pangwakas na paghatol sa mga bansa. Ang Joel 3:13-15 ay nagsasabi: “Isulong ninyo ang karit, sapagkat ang aanihin ay hinog na. Pumarito kayo, lumusong kayo, sapagkat ang pisaan ng ubas ay punô na. Ang mga pisaang tangke ay umaapaw; sapagkat ang kanilang kasamaan ay dumami. Mga pulutong, mga pulutong ang nasa mababang kapatagan ng pasiya, sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na sa mababang kapatagan ng pasiya. Ang araw at ang buwan ay tiyak na magdidilim, at ang mismong mga bituin ay magkakait ng kanilang liwanag.”

Ginamit ng aklat ng Joel ang katagang “ang araw ni Jehova” nang pitong ulit sa kabuuan. Makatotohanan ngang sabihin na ang tema ng Joel ay ang paparating na araw ni Jehova at ang kasukdulan ng gawaing paghatol ng Diyos at ang kaligtasan niyaong mga makakapasa sa pagsubok na darating sa buong tinatahanang lupa. (Apocalipsis 3:10)

Subalit salungat sa kasalukuyang turo ng Samahan ng Watchtower, ang mga kaganapang ihinula sa Joel ay hindi natupad sa Sangkakristiyanuhan sa pamamagitan ng pambuong daigdig na pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Ang hula ay nakatuon nga sa magiging epekto ng pagdating ng araw ni Jehova sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang inang organisasyon.

Sa huli, ang hula ay nagbibigay sa atin ng sulyap na lagpas sa kasalukuyang nakasentro sa Watchtower na uri ng pagsamba hanggang sa kapana-panabik na pagbubuhos ng espiritu ni Jehova na mag-uudyok sa nadisiplinang nalabi upang maisagawa ang panghuling bahagi ng dakilang gawain ng Diyos.

Habang karaniwan nang nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova na ang araw ni Jehova ay sumasagisag sa isang yugto ng panahon kung saan ang Diyos ay personal na mamamagitan sa mga kaganapan sa mundo upang isakatuparan ang kaniyang mga kahatulan, ayon sa Joel ang kakila-kilabot na araw na iyon ay kaagad na susundan ng malupit na pag-atake ng mga kulupon ng mga masisibang balang, ipis at iba pang kasuklam-suklam na mga pesteng insekto. Ang kakaibang pagsasanib ng mga insekto ay tinutukoy pa nga bilang ang malaking hukbong militar ni Jehova. Kataka-taka nga!

Ang hula ng Joel ay nagbibigay diin na ang mismong pagdating ng araw ni Jehova ay magdudulot ng emergency o emehensya sa loob ng tulad Sion na organisasyon ng mga lingkod ng Diyos gaya nga ng hindi pa kailanman naranasan. Ang Joel 2:1,2 ay naglalarawan rito ng ganito: “Hipan ninyo ang tambuli sa Sion, at sumigaw kayo ng hiyaw ng digmaan sa aking banal na bundok. Maligalig ang lahat ng tumatahan sa lupain; sapagkat ang araw ni Jehova ay dumarating, sapagkat iyon ay malapit na! Iyon ay araw ng kadiliman at karimlan, araw ng mga ulap at ng makapal na karimlan, gaya ng liwanag ng bukang-liwayway na nakalatag sa mga bundok. ”


“GUMISING KAYO, KAYONG MGA LASENGGO”

Si Jehova ay nagsasalita sa mga pinuno ng kaniyang bayan na nakatakdang labis na mapighati ng mga gumagapang at may pakpak na mga maninila, na sinasabi sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang propeta na si Joel: “Gumising kayo, kayong mga lasenggo, at tumangis kayo; at magpalahaw kayo, kayong lahat na manginginom ng alak, dahil sa matamis na alak, sapagkat iyon ay nahiwalay mula sa inyong mga bibig. Sapagkat may isang bansa na sumampa sa aking lupain, makapangyarihan at walang bilang. Ang mga ngipin nito ay mga ngipin ng leon, at ito ay may mga panga ng leon. Ang aking punong ubas ay ginawa niyang bagay na panggigilalasan, at ang aking puno ng igos ay ginawa niyang tuod. Iyon ay binalatan nga niya nang lubusan at itinapon. Ang maliliit na sanga nito ay namuti. Humagulhol ka, gaya ng isang dalagang nabibigkisan ng telang-sako  dahil sa may-ari ng kaniyang kabataan.” –Joel 1:5-8

Sa modernong pananalita, para bang inaanunsiyo ni Jehova sa kaniyang bayan na “ang kasiyahan ay tapos na!” Tunay nga, ang di-inaasahang pananamsam mula sa Makapangyarihan-sa-lahat ay magiging lubhang nakapangwawasak, labis na kagila-gilalas, na ang epekto ay magiging para bang ang mismong kasintahang babae ni Kristo ay iniwan sa altar na nakasuot ng telang-sako!

Yamang ang kagulat-gulat na pagkawasak ng bayan ng Diyos ay nakatakdang maging kagimbal-gimbal, subalit maari ring maging nagliligtas buhay na panggising para roon sa mga tinutukoy ng Diyos bilang “kayong mga lasenggo,” ang mga Saksi ni Jehova ay hindi na dapat pang magpatuloy sa pangangarap na ang kahila-hilakbot na insekto at tulad leong mga mananakop ay sumasagisag sa mga mangangaral ng mabuting balita ng Watchtower sa nakalipas na mga dekada o na ang Diyos sa paanumang paraan ay tinatawag ang klero sa pagsisisi. Bagaman maraming mga may-bahay ang nag-iisip na ang mga Saksi ni Jehova ay mga nakakayamot na mga peste lamang, ang hukbo ng mga balang, mga ipis, at mga higad ay hindi sumasagisag sa mga Kristiyanong ministro.

Lalung hindi rin dapat ituro ng Samahan ng Watchtower ang kathang-isip na ang pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa paanuman ay naisakatuparan ang hula ng Joel sa pamamagitan ng paglimas at lubusang pagbabalat sa dapat sanang minsang mabungang bukid ng paggawa ng Sangkakristiyanuhan.

Sinong makatuwirang tao ba ang maniniwala na ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay lubusang sinamsaman ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan?

Habang ang impluwensiya ng lumang bantay na mga denominasyon tulad ng Katolisismo, Luteranismo at Ortodoksiya ay maaring humina nitong nakalipas na siglo, particular na sa Europa at Amerika, kaduda-duda na ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kalakarang iyon. Ang patas na mga tagapagmasid ay tiyak na hindi iuugnay ang paghina ng Sangkakristiyanuhan sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Isa pa, ang lumalagong impluwensiya ng ebanghelikalismo ay wari bang napunan ang pagkukulang - iyan nga ang kaso sa Estados Unidos at Latin Amerika.

Sa realidad, ang hula ng Joel ay humuhula na ang sariling sagradong pag-aari ng Diyos ay nakatakdang maging puntirya ng pagkawasak. Gaya nga ng isinaad ng talatang nauna nang binanggit, ang pagpapatunog ng hudyat o alarma ay gagawin sa mismong “Banal na Bundok ng Diyos,” na sa hula ay tumutukoy sa kongregasyon ni Kristo. Walang may katinuan sa espirituwal na mag-aaral ng Bibliya ang magpapalagay na ang inihayayag ni Jehova bilang “aking lupain… aking punong ubas, at ang aking punong igos” ay tumutukoy sa Sangkakristiyanuhan. Hindi kataka-taka na ang pag-aari ng Diyos ay magiging “isang bagay na panggigilalasan.” Ang pagkatiwangwang ng makalupang organisasyon ng Diyos ay itinuturing na imposible ng mga Saksi ni Jehova. Tunay nga, panahon na upang gumising!

Marahil ang pinakasalungat ngang aspekto ng 70 taong pagpapakahulugan ng Watchtower ng Joel ay na si Jehova ay nangangakong magbigay ng bayad-pinsala sa kaniyang bayan para sa pagdanas ng pagkawasak na idinulot ng makasagisag na mga balang at iba pang gumagapang na peste. Ang Joel 2:25 ay humuhula: “At isasauli ko sa inyo (I will make compensation to you) ang mga taon na ipinanginain ng balang, ng gumagapang na balang na walang pakpak, at ng ipis at ng higad, na aking malaking hukbong militar na isinugo ko sa gitna ninyo.”
Dapat ba nating ipagpalagay na si Jehova ay magbibigay ng bayad-pinsala o kabayaran sa mga klero para sa pagdanas nila ng ebanghelistikong pananalakay ng mga Saksi ni Jehova sa paglipas ng mga taon? Sana nga ay hindi.

Hindi lamang iyon kundi si Jehova ay nagpapatuloy sa paghahayag na sa wakas nga ay dadalhin niya ang kulupon ng mga balang, na tinatawag rin bilang “ang taga-hilaga,” doon sa dagat- anupat lubusan siyang wawasakin. Ang Joel 2:20 ay nagsasabi: “At ang taga-hilaga ay ilalayo ko sa inyo, at ipananabog ko nga siya sa isang lupaing walang tubig at nakatiwangwang na kaguhuan, habang ang kaniyang mukha ay tungo sa silanganing dagat at ang kaniyang hulihang bahagi ay tungo sa kanluraning dagat. At ang baho mula sa kaniya ay paiilanlang, at ang alingasaw mula sa kaniya ay patuloy na paiilanlang; sapagkat Siya ay gagawa ng isang dakilang bagay sa Kaniyang ginagawa.”

Ang makahulang katawagan na “taga-hilaga” ay dapat na magpaisip sa atin sa hari ng hilaga at ng Caldeo at ng isa “na nagniningning”- na siyang sumusunggab sa mga lingkod ng Diyos mula sa lupain ng hilaga; gayundin ang kompederasyon ng Gog ng Magog, na itinakda ng hula na lumapag sa bayan ng Diyos mula sa “pinakamalalayong bahagi sa hilaga.” (Ang hari na mabangis ang mukha ay nagmumula rin sa hilaga, sa bagay na iyon siya ay sinasabing magiging malakas patungo sa timog, sa dagat (kanluran) at patungo sa kagayakan (silangan)- na pinangyayari ang hilaga bilang ang makasagisag na direksyon kung saan niya pasisimulan ang kaniyang kampanya upang ipahamak ang mga makapangyarihan gayundin ang bayan na binubuo ng mga banal.)

At kahit na ang Samahan ay nangangaral tungkol sa pagiging malapit ng araw ni Jehova ng lagpas na sa isang siglo ngayon, papaano naman magiging posible na yaong mga pinagkatiwalaan sa paglilimbag ng maasahang mga pakahulugan ng mga hula ay magagawang lubusang sirain at bigyan ng maling kahulugan ang makahulang mensahe sa Joel may kinalaman sa araw ni Jehova? Ang isang dahilan ay sapagkat pinatutunayan nito na ang wastong pagkaunawa ng hula ay hindi makukuha sa pagkakasunduan lamang ng isang grupo. Kaya habang kinikilala na ang Samahan ng Watchtower ay nakapagpakita ng malalim na kabatiran pagdating sa doktrina, ano kaya ang dahilan sa likod ng ganap na kabulagan ng Bethel pagdating sa pagpapakahulugan ng mga hula? Posible kaya na ang mga lider ng bayan ng Diyos ngayon ay ang mga espirituwal na mga lasenggo na nakatakdang sawayin ng Diyos?

Kahit pa ang Bethel ay nag-aangking naglilingkod bilang ang “uring bantay”- at mapangahas na nag-aangking gising na gising sa mga kalagayan sa daigdig at sa paparating na paghatol ng Diyos - walang ibang maaaring konklusyon kundi na ang mga Saksi ni Jehova mismo at ang kanilang pinahirang liderato ng Bethel at ang Lupong Tagapamahala nito, ang malapit nang gisingin ng pag-saway ng langit mula sa kanilang kawalang kamalayan: “Gumising kayo, kayong mga lasenggo!”

Hindi natin dapat na ipagpalagay na isang kakaibang bagay na maaring sawayin o kagalitan ni Jesu-Kristo ang kaniyang sariling mga tagasunod – maging yaong kaniyang hahatulan bilang tapat at maingat sa huli. Kung iisipin, sa ika-12 kabanata ng Lucas, hindi ba maliwanag na sinabi ni Jesus na ang mangmang ngunit tapat na alipin ay papaluin ng kaunting palo ng nagsisiyasat na panginoon ng bahay at hahatulan batay sa isang mas mataas na pamantayan bilang isa na pinangasiwa ng mga tao?

Sa kaniyang unang pagpapakita pagkatapos na siya ay buhaying muli sa kaniyang dalawang alagad, ang isa nga ay malinaw na si Pedro, nakasasakit na tinukoy sila ni Jesus bilang “mga hangal at mababagal ang puso na maniwala sa lahat ng mga bagay na sinalita ng mga propeta!” Ang okasyon kung saan binigkas ni Jesus ang pagsaway sa itaas, ay nang siya ay pumarito at tumabi sa kaniyang mga namanglaw na mga alagad habang sila ay naglalakad sa daan at hindi nila siya nakilala. Mayroon ngang partikular na kahalagahan na ang salitang “parousia” o pagkanaririto ay literal na nangangahulugang “pagiging nasa tabi” – yamang si Kristo ay pumaroon at tumabi sa kaniyang mga alagad nang okasyong iyon. Ang mga pagpapakita ni Jesus sa kaniyang mga alagad pagkatapos na siya ay buhaying muli ay nagbibigay ng parisang babala para sa pagdating ni Kristo sa katapusan ng sistema ng mga bagay; kapag siya ay pumaroon at tumabi sa kaniyang mga pinahirang mga alagad upang sawayin at sa huli nga ay bigyan sila ng kaliwanagan.

O dapat ba nating ipagpalagay na ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ngayon ay lubusan nang naliwanagan at nakahihigit na sa pagsaway ni Kristo? Habang totoo na ang Watchtower ay paulit-ulit na nagdeklara na ang tapat na alipin ay pumasa na sa pagsubok noong 1918 at na ang Samahan ay nag-aangkin pa nga na ang alipin ay permanente nang inatasan sa lahat ng pag-aari ng panginoon, iyon ba ay nangangahulugan na sila ngayon ay nakahihigit na sa mga apostol na dinisiplina, sinaway at ibinaba pa nga ng panginoon sa maraming pagkakataon?

Lalu ring dapat bigyang pansin na ang pagsaway ni Kristo sa kaniyang dalawang alagad (na kumakapit rin sa lahat) ay may kinalaman sa kanilang kabagalan na maunawaan ang pakahulugan ng mga hula; espesipiko na yaong mga propesiya na humula tungkol sa kamatayan at pagkabuhay-muli ng Mesiyas. Kahit na tinanggap ng mga apostol na si Jesus ang Anak ng Diyos, bago pa sila maliwanagan, sadyang hindi nila maunawaan ang katotohanan na si Jesus ay mamamatay at na ang kaharian ay makalangit at hindi makalupa.

Ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay nasa katulad na kalagayan. Kahit na tinatanggap ang mga saligang doktrina ng katotohanan ng Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi binigyan ng kabatiran tungkol sa mga magaganap sa paparating na araw ni Jehova dahil sa katotohanan na sila ay tinuruan na ang presensiya ni Kristo ay nagsimula na! At dahil halos bawat mahalagang hula sa Bibliya ay may kamaliang ikinapit ng Watchtower sa panahon ng 1914-1918 o kaya naman ay may kamaliang ikinapit sa sa Sangkakristiyanuhan, ang mga Saksi ni Jehova ay walang makakasulatang basehan para maunawaan ang kahatulan ng Diyos na nakatakdang mahayag sa kamangha-mangha at kasindak-sindak na araw ni Jehova.

Ang mga lider ng Samahan ng Watchtower na nagtataguyod ng doktrina na ang paghatol sa bahay ng Diyos ay naganap na ay kasing hangal at mabagal na maniwala sa mga propeta gaya nga ng mga apostol na may kamaliang nag-akala na ang kaharian ni Kristo ay agad mahahayag noong panahon na iyon. Ano pa ba bukod sa espirituwal na pagkalango at paghahambog ng Lupong Tagapamahala at ng mga direktor ng Samahan ng Watchtower ang maaring maging dahilan ng walang saysay na mga pakahulugan na ibinigay sa mga Saksi ni Jehova nang napakaraming taon may kinalaman sa aklat ng Joel at iba pang kaugnay na mga hula?

Sino pa ba kundi ang mga aktwal na mga mensahero at mga lingkod ni Jehova- yaong mga nakakita at nakarinig ng maraming mga kamangha-manghang mga bagay mula sa salita ng Diyos at pinagpala niya sa maraming paraan- ang nakatakdang tumanggap nang malapit nang isiwalat na makahulang pagsaway na naka-ulat sa Isaias 42:19-20: “Sino ang bulag, kung hindi ang aking lingkod, at sino ang bingi na gaya ng aking mensahero na isinusugo ko? Sino ang bulag na gaya niyaong ginantihan (ginantimpalaan), o bulag na gaya ng lingkod ni Jehova? May kinalaman iyon sa pagkakita ng maraming bagay, ngunit hindi ka patuloy na nagmasid. May kinalaman iyon sa pagbubukas ng pandinig, ngunit hindi ka patuloy na nakinig.”

Subalit, kung ang mga tagapagturo ng mga Saksi ni Jehova ay bulag sa tunay na kahulugan at kahalagahan ng makahulang salita ng Diyos, gaya nga ng kasong ibinangon rito, tayo ay iniiwanan ng tanong na: Ano nga ba ang tunay na ibinabababala ng mga hula at ano ang totoong kahulugan ng hula ng Joel?


“MAGPALAHAW KAYO, KAYONG MGA LINGKOD SA ALTAR”

Ang pagkawasak na idinulot ng mga paparating na nananalakay na pulutong ng mga balang ay magsisilbi bilang ang lubhang kinakailangang nakagigising na sampal sa mukha para sa mga lingkod ni Jehova. Sa panahong iyon ang apurahang pag-himok ni Jehova sa kaniyang mga pinahirang saserdote at mga lingkod ay tatama sa kanila na parang bombang atomika: “Bigkisan ninyo ang inyong sarili, at dagukan ninyo ang inyong mga dibdib, kayong mga saserdote. Magpalahaw kayo, kayong mga lingkod sa altar. Pumasok kayo, magpalipas kayo ng gabi na may suot na telang-sako, kayong mga lingkod ng aking Diyos; sapagkat ang bahay ng inyong Diyos ay pinagkaitan ng handog na mga butil at ng handog na inumin. Magpabanal kayo ng panahon ng pag-aayuno. Tumawag kayo ng isang kapita-pitagang kapulungan. Tipunin ninyo ang matatandang lalaki, ang lahat ng tumatahan sa lupain, sa bahay ni Jehova na inyong Diyos, at humingi kayo ng saklolo kay Jehova.”

Katawa-tawa ngang ipagpalagay na tinatawag ng Diyos ang klero upang magtipon sa isang “kapita-pitagang kapulungan” bilang tugon sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Tiyak namang ang mga lingkod ng Diyos ni Joel na ipinatawag “sa bahay ni Jehova na inyong Diyos” upang magsagawa ng biglaang pagpupulong at hinihikayat na “humingi kay Jehova ng saklolo” ay ang mga pormal na mananamba ng Diyos na Jehova- na kinikilala niya bilang kaniyang mga lingkod.

Subalit, bilang isa pang halimbawa ng kaaba-abang pagkabulag ng Watchtower pagdating sa makahulang mga bagay, isang kilalang bagay naman na maraming mga hula ang nagsasaad na ang Kristiyanong dakong banal ng Diyos, ang kaniyang santuwaryo at “palagiang handog,” ay dadalhin sa pagkawasak sa loob ng isang takdang panahon.

Ngunit, ang pagpapakahulugan ng Watchtower sa mga napakahalagang mga hulang iyon ay wastong matatawag bilang nakalilitong pinagtahi-tahing mga huwad na makahulang pagpapakahulugan. Iyan ay sapagkat maraming maliwanag namang magkakaugnay na mga hula ang ikinapit sa maraming iba’t-ibang paraan. Bilang halimbawa, ikinakapit ng Samahan ang ilang mga hula sa panahon ng 1914-1919; ang iba naman ay sa isang panahon noong Digmaang Pandaigdig II, at ang iba namang mga hula- gaya ng sinabi ni Jesus may kinalaman sa dakong banal na yuyurakan ng isang kasuklam-suklam na bagay- sa Sangkakristiyanuhan sa isang panahon sa hinaharap. At ang hula naman ni Joel (na nakasipi sa itaas,) na nagsasaad na ang “handog na mga butil at handog na inumin” ay ipagkakait mula sa “bahay ni Jehova na inyong Diyos,” sa papaanuman ay kumakapit sa Sangkakristiyanuhan noong panahon ng pagkapangulo ni J.F. Rutherford.

Ngunit, na ang pagsalakay ng mga insekto ay lalapastangan sa bagay na itinuring ni Jehova na banal ay malinaw na makikita sa mga huling talata ng hula ni Joel: “At inyo ngang makikilala na ako ay si Jehova na inyong Diyos, na tumatahan sa Sion na aking banal na bundok. At ang Jerusalem ay magiging isang dakong banal; at kung tungkol sa mga taga-ibang bayan, hindi na sila daraan pa sa kaniya.”

Ang makasagisag na mga balang, ipis at mga higad ay maliwanag namang ang “mga taga-ibang bayan” na “daraan sa kaniya,” na pinangyayaring maging isang pangangailangan para sa Diyos na makialam upang bawiin at pabanalin ang bagay na sa kaniya.

Isang katiyakan na ang hula ni Joel ay nagbababala tungkol sa isang lubhang kakaibang kaganapan; isang kasindak-sindak na kapahamakan na magpapahirap sa buong sangkatauhan gaya ng hindi pa nangyari kailanman noon. Tinitiyak sa atin ng Joel 1:12 na ang lahat ng tao sa mundo ay mapahihirapan- “sapagkat ang pagbubunyi ay lumisan sa pagkapahiya mula sa mga anak ng sangkatauhan.” At ng Joel 2:6: “Dahil dito, ang mga bayan ay daranas ng matitinding kirot. Tungkol naman sa lahat ng mukha, ang mga iyon ay tiyak na magkakaroon ng ningas ng pagkabagabag.”

Ang pambungad na mga pananalita ng hula ay nagsasaad tungkol sa pagiging natatangi ng kalamidad sa pagsasabi: “Dinggin ninyo ito, ninyong matatandang lalaki, at makinig kayo, kayong lahat na tumatahan sa lupain. Nangyari na ba ito sa inyong mga araw, o maging noong mga araw ng inyong mga ninuno? Ang tungkol doon ay isaysay ninyo sa inyong sariling mga anak, at ang inyong mga anak ay sa kanilang mga anak, at ang kanilang mga anak ay sa kasunod na salinlahi. Ang natira ng higad ay kinain ng balang; at ang natira ng balang ay kinain ng gumagapang na balang na walang pakpak; at ang itinira ng gumagapang na balang na walang pakpak ay kinain ng ipis.”

Saanman sa Hebreong hula, ang mga balang ay ginagamit bilang simbolo ng nananamsam na mga hukbo. Bilang halimbawa, ang hula ng Nahum ay naglalarawan sa Asiryanong hukbo bilang mga balang.

Inilalarawan ng Jeremias ang mga mananalakay ng makapangyarihang Babilonya bilang isang pulutong ng mga balang. Hindi lang iyon kundi sa Isaias 33:2-5 sinabi ng propeta: “O Jehova, pagpakitaan mo kami ng lingap. Sa iyo kami umaasa. Maging bisig ka namin sa bawat umaga, oo, ang aming kaligtasan sa panahon ng kabagabagan. Sa ingay ng kaguluhan ay tumakas ang mga bayan. Sa iyong pagbangon ay nangalat ang mga bansa. At ang samsam ninyo ay titipunin ngang gaya ng mga ipis kapag nagtitipon, gaya ng pagdaluhong ng mga kulupon ng balang na dumadaluhong laban sa isa. SiJehova ay tiyak na matatanyag, sapagkat tumatahan siya sa kaitaasan.”

Ang hula ni Isaias ay malinaw namang hindi tumutukoy sa gawaing pangangaral ng mga lingkod ni Jehova. Sa Konteksto, ang may pakpak na mga ipis, higad at mga balang ay kumakatawan sa ahensya na gagamitin ni Jehova upang isagawa ang paglipol sa mga apostata at mga makasalanan mula sa kaniyang espirituwal na tahanan- Sion.


“ANG MGA LAGUSAN NG TUBIG AY NATUYO”

Dahil sa katotohanan na ginamit ng mga Hebreong propeta ang mga balang bilang simbolo ng mga naninilang hukbo ng mga imperyo, at na ang mga Saksi ni Jehova sa anumang paraan ay malinaw namang hindi nagawang lubusang balatan ang “relihiyosong bukid ng paggawa,” tulad nga ng tawag dito ng Watchtower, ano kung gayon ang ibinababala ng sumusunod na makahulang sipi?-“Sa aba ng araw na iyon; sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na, at iyon ay darating na gaya ng pananamsam mula sa Makapangyarihan-sa-lahat! Hindi ba ang pagkain ay nahiwalay sa harap ng atin mismong mga mata; mula sa bahay ng ating Diyos, ang pagsasaya at kagalakan? Ang mga pinatuyong igos ay nanguluntoy sa ilalim ng kanilang mga pala. Ang mga imbakan ay itiniwangwang. Ang mga bangan ay giniba, sapagkat ang butil ay natuyo. O ano’t nagbubuntunghininga ang alagang hayop! Ano’t nagpapagala-gala ang mga kawan ng mga baka dahil sa kalituhan! Sapagkat walang pastulan para sa kanila. Gayundin, ang mga kawan ng mga tupa ang siyang pinagdala ng pagkakasala.“Sa iyo, O Jehova, ay tatawag ako; sapagkat nilamon ng apoy ang mga pastulan sa ilang, at isang liyab ang tumupok sa lahat ng mga punungkahoy sa parang.Ang mga hayop sa parang ay patuloy ring nananabik sa iyo,sapagkat ang mga lagusan ng tubig ay natuyo, at nilamon ng apoy ang mga pastulan sa ilang.” – Joel  1:15-20

Maraming taon nang itinuturo ng Watchtower na sila ang makalupang daluyan ng nagbibigay buhay na tubig ng katotohanan at ang bukod tanging pinagmumulan ng tunay na espirituwal na pagkain. Bilang legal na instrumento ng tapat at maingat na alipin na inatasan upang magpakain sa sambahayan ng panginoon, ang Samahan ng Watchtower ay hindi matututulang kumilos ukol sa sagradong utos na pastulan ang kawan ng Diyos.

Upang maging malinaw, ang atas ng Samahan upang magpakain sa sambahayan ng Diyos ay hindi kinukuwestyon dito (kundi na ang tapat at maingat na alipin ay hindi pa lamang nabibigyan ng kaniyang ikalawang atas na pangasiwaan ang lahat ng mga pag-aari ng kaniyang panginoon.) Subalit ang tanong na ibinabangon ay ito: Ano ang kahulugan ng ang “pagkain” ay “nahiwalay sa harap ng atin mismong mga mata; mula sa bahay ng Diyos, ang pagsasaya at kagalakan” at na “ang mga daluyan ng tubig ay natuyo?” Tiyak naman na ang Sangkakristiyanuhan ay hindi bumubuo sa espirituwal na bahay ng Diyos.

May partikular na kahalagahan nga na ang Bethel ay literal na nangangahulugang ang “bahay ng Diyos” sa Hebreo. Kaya nga. Ang hula ng Joel ay humuhula ng ganap na pagkatiwangwang ng bahay ng Diyos- ang Bethel at ang Samahan ng Watchtower at ang buong organisasyon sa kalagayang umiiral ito ngayon! Walang anumang makatuwirang interpretasyon. Hindi kataka-taka na ang mga pinahirang saserdote ng bahay ng Diyos ay nakatakdang tumangis at magpalahaw dahil sa pagdurusa at humingi ng saklolo kay Jehova!

Sa kasindak-sindak na araw ni Jehova, ang organisasyon ng Watchtower ay hindi na man lamang iiral. Ang pambuong daigdig na gawaing paglilimbag ay mahihinto. Ang tabing pera nito sa banko ay basta na lamang maglalaho sa kasukdulan nang ngayong nagaganap nang pandaigdig na pinansiyal na pagbagsak. Ang tinig na mahigit isang siglong naging instrumento sa “paghahayag ng kaharian ni Jehova” ay magigi na lamang isang huni ng dati nitong anyo- na para bang walang kakayahang kumakaway mula sa libingan gaya ng isang espiritista. (tingnan ang Isaias 29:4)

Ang papel ng Samahan ng Watchtower bilang ang makalupang daluyan ng sagradong katotohanan ay darating sa nakakahiyang katapusan nito. “(Ang lagusan ng tubig ay natuyo).” Ang espirituwal na pagkaing minsang naging lubhang sagana ay magiging gaya ng mga nanguluntoy na mga igos sa ilalim ng mga pala. Ang butil ay matutuyo na lamang!

Ang maraming pasilidad sa paglilimbag na kasalukuyang ginagamit ng Watchtower ay magiging tulad ng mga imbakan na tiniwangwang. Ang libu-libong mga Kingdom Hall sa buong daigdig ay magiging tulad ng mga bangan na giniba dahil sa hindi paggamit.

Ang mga Saksi ni Jehova - tulad ng alagang kawan ng baka na umaasa sa kanilang among tao para sa pagkain - ay mawawalan ng kanilang espirituwal na pastulan anupat gagala-gala habang tuliro at nalilito sa di-inaasahang pagbabago ng mga kaganapan! Ang mga kawan ng tupa ni Jesus ang siyang magdadala ng pagkakasala dahil sa kawalan ng Samahan ng kabatiran may kinalaman sa mahahalagang mga propesiya na humuhula sa mismong delubyo na magdudulot ng lubusang pagkatiwangwang ng tinatawag na nakikitang organisasyon ni Jehova.

Higit pang nakapipighati kaysa sa pagkawasak ng Samahan ng Watchtower, ang nakagigiba ng mundong kalamidad na dulot ng malupit na pagsugod ng mga balang at nga mga pulutong ng mga ipis ay magdudulot ng pagtigil ng gawaing pangangaral ng mabuting balita.

Hindi ba ang mga Saksi ni Jehova ay madalas na tumukoy sa mundo bilang “ang bukid” at sa ministeryo bilang “larangan?” Sa pansakahang seting na iyon, ang mga lingkod ng Diyos ay tulad ng mga magsasaka at mga tagapag-alaga ng ng ubasan. Ano pa ba ang ibinabadya ng mga sumusunod na teksto kung gayon kung hindi ang katapusan ng gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova? – “Ang bukid ay sinamsaman, ang lupa ay nagdalamhati na; sapagkat ang butil ay sinamsaman, ang bagong alak ay natuyo, ang langis ay naglaho. Ang mga magsasaka ay napahiya; ang mga tagapag-alaga ng ubasan ay nagpalahaw, dahil sa trigo at dahil sa sebada; sapagkat ang pag-aani sa bukid ay naparam. Ang punong ubas ay natutuyo, at maging ang puno ng igos ay nalanta.” –Joel 1:10-12

Ang pagbagsak ng institusyon ng Watchtower ay magiging hudyat ng wakas ng ministeryo ng mga Saksi ni Jehova sa kasalukuyan nitong kilalang anyo. Ang mga “magsasaka” at mga “tagapag-alaga ng ubas” ay sumasagisag sa milyon-milyong mga mamamahayag at mga payunir na kasalukuyang gumagawa sa larangan. (Tingnan rin ang Isaias 61:5,6)

Subalit dahil ang kanilang ministeryo ay lubusang nakadepende sa patuluyang direksyon mula sa Samahan ng Watchtower at sa regular nitong mga publikasyon, ang katapusan ng Bethel ay magkakaroon ng hindi maiiwasang malawakang epekto ng biglaang paghinto ng pangbuong daigdig na pangangaral. Kalunos-lunos nga na ang maraming mga may-bahay na sa panahon na iyon ay nakadepende sa mga pantulong sa pag-aaral at pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova, gayundin ang maraming di mabilang na milyon-milyong mga tao na hindi pa napapangaralan ay mawawala- gaya ng sinasabi ng hula: “sapagkat ang pag-aani sa bukid ay naparam.” (Tingnan rin ang Isaias 17:11 at Isaias 24)


“HAPAKIN NINYO ANG INYONG MGA PUSO”

Ang dahilan kung bakit hahayaan ng Diyos na sumapit sa kaniyang bayan ang ganoong di-inaasahang sakuna ay upang dalhin sila sa pagsisisi. Kaya nga ang hula ay nagpapatuloy sa pagsasabi: “At ngayon din,” ang sabi ni Jehova, “manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso, at may pag-aayuno at may pagtangis at may paghagulhol. At hapakin ninyo ang inyong mga puso, at hindi ang inyong mga kasuutan; at manumbalik kayo kay Jehova na inyong Diyos, sapagkat siya ay magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan, at tiyak na ikalulungkot niya ang kapahamakan.”

Yamang ang Diyos ay namamanhik sa bayan niya upang manumbalik sa kaniya, hindi ba iyon nangangahulugan na ang hula ay nakapatungkol doon sa mga kinikilala ng Diyos bilang ang kaniyang mga lingkod? Papaano naman manunumbalik ang mga relihiyonista ng Sangkakristiyanuhan sa isang kaugnayan kay Jehova na hindi naman sila nagkaroon?

At bagaman ang Samahan ng Watchtower ay hindi kailanman tatanggap ng anumang pangangailangan nito na magsisi, si Jehova ay mayroong ibang pananaw. Ang Diyos ay hindi tumitingin sa panlabas na anyo ng relihiyon- gaya nga ng paghapak ng isa sa kaniyang kasuotan bilang pakunwaring pagpapakita ng pagsisisi. Ang panawagan ni Jehova na hapakin natin ang ating mga puso ay nagpapakita na nakikita ng Diyos na ang pagsamba ng kaniyang bayan ay hindi buong puso. Mula sa kaniyang matayog na paningin, nakita ng Diyos na iniwan siya ng kaniyang bayan- hindi bilang mga inidbidwal, kundi bilang isang organisasyon. Syempre, hindi naman tinuligsa ng mga Saksi ni Jehova si Jehova o tahasang ikinaila si Kristo subalit ang Diyos ay humihiling ng lubos na debosyon mula sa kaniyang mga mananamba at anumang hindi buong pusong pagtatangkang parangalan ang Diyos ay hindi katanggap-tanggap sa kaniya. Si Jehova ay nararapat na tumanggap ng buong pusong pagsamba- wala nang iba.

Subalit posible kaya na ang paggigiit ng Samahan ng Watchtower sa pagkakatulad-tulad ng organisasyon at ng “teokratikong” kaayusan/ pamamalakad ay lumikha ng isang institusyunal na uri ng pagsamba na tulad niyaong pinangasiwaan ng mga Pariseo; at sa paggawa nito ay luminang ng isang kultura ng mga tagapagpalugod ng mga tao (men-pleasers) na niluluwalhati si Jehova sa pamamagitan lamang ng kanilang mga bibig, subalit ang mga puso ay unti-unting lumayo sa kaniya? (Isaias 29:13) Sa pamamagitan ng kaniyang patiuna nang nakatalang mga kahatulan na nakapaloob sa hula, ang Hukom na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova- na ang mga mata ay tumatagos at nakakikita sa ating pinakaloob-loobang mga kaisipan at motibo ay nagsasaad na gayon nga.

At kahit pa may mapagmalaking ipinagwawalang bahala ng mga tagapagsalita ng Watchtower ang anumang uri ng kritisismo tungkol sa mga turo, mga pamamaraan at mga patakaran ng Samahan bilang mga paratang lamang ng mga oposer at mga apostata, ang katotohanan ay na ang Samahan ay responsable sa pagkatisod ng daan-daang libo, kung hindi man milyon-milyong kapwa mga Saksi ni Jehova at hindi Saksi. Sa katunayan sa Ezekiel 36:15 ihinahabla ang organisasyon ni Jehova dahil sa pagdudulot nito ng katitisuran sa buong mga “bansa” ng tao. Nakalulungkot, maraming iba pa ang nakatakdang matisod, gaya nga ng ihinula ni Jesus. (Mateo 24:10)

Isaalang-alang ang pinakahuling talata ng hula ng Joel na nagsasabi: “At ituturing kong walang-sala ang kanilang dugo na noon ay hindi ko itinuring na walang-sala; at si Jehova ay tatahan sa Sion.”

Sa pagsasabi ng Diyos na ang kaniyang pangwakas na hatol sa kaniyang husto nang nadisiplinang bayan sa panahong iyon ay isang kapahayagan ng kanilang pagiging walang sala, ngunit na bago niyaon ay hindi minamalas ni Jehova ang kanilang dugo bilang walang sala, hindi ba iyon indikasyon ng ating pagiging may sala ngayon, bilang isang bayan at ng ating matinding pangangailangan para sa kapatawaran ng Diyos? Ang maka-diyos na pagpapakumbaba at espirituwal na katinuan ay dapat na mag-udyok sa atin na sumagot ng “oo.”


“MAY APOY NA NANLALAMON... MAY LIYAB NA TUMUTUPOK”

Ang lumulusob na pulutong ng mga insekto ay sumasagisag sa mga ahente ng huling imperyo, ang ikawalong hari ng Apocalipsis, at ito ang magsisilbing pamamaraan ni Jehova upang durugin ang mga bansa at disiplinahin ang kaniyang bayan. Na ang kulupon ng mga balang ay sumasagisag sa mga bansa na mananamsam sa sariling pag-aari ng Diyos ay malinaw sa Joel. Bilang halimbawa sinasabi ng Joel 2:17: Sa pagitan ng beranda at ng altar ay manangis ang mga saserdote, ang mga lingkod ni Jehova, at magsabi, ‘Maawa ka sa iyong bayan, O Jehova, at huwag mong gawing kadustaan ang iyong mana, anupat pamamahalaan sila ng mga bansa. Bakit nga nila sasabihin sa gitna ng mga bayan: ‘Nasaan ang kanilang Diyos?’”

Ang mga Israelita ay madalas na ginipit, sinalakay at sinakop pa nga ng mga nakapalibot na mga bansa kapag sila ay lumilihis mula sa tunay na pagsamba. Pinahintulutan ng Diyos ang mga Filiseo, Moabita, Edomita at ang mga iba pa upang pahirapan ang Israel upang sila ay maibalik sa kanilang katinuan. Ito ay isang pangkaraniwang tema na mababasa sa mga Hebreong Kasulatan.

Ang anim na imperyal na mga tagapagpauna ng modernong alyansa ng Anglo-Amerikano, ang Ehipto, Asirya, Babilonya, Persia, Gresya at Roma, bawat isa ay namahala sa ibabaw ng Israel at Juda sa kani-kanilang kapanahunan. Ang Hebreong mga hula at ang Apocalipsis ay nagsasaad na ang Kristiyanong “Israel ng Diyos” ay nakatakda ring dumanas ng katulad na kapalaran bago sila dalhin sa kaluwalhatian. Subalit papaano kaya maaaring mamahala sa ibabaw ng bayan ni Jehova ang modernong mga bansa sa katapusan?

Gaya nga ng alam ng marami, sa panahon ng digmaan at kaguluhan, maging ang demokratikong mga bansa na nag-aangking nagpapahalaga sa kalayaan ay pinag-usig rin ang mga Saksi ni Jehova. Hindi na kailangan pang isalaysay ang maiging nakatalang pakikipaglaban upang legal na maitaguyod ang mabuting balita rito (sa Estados Unidos, Amerika). Subalit, dapat ring kilalanin na ang mga konstitusyunal na mga garantiya na kaakibat sa legal na sistema ng mga bansa sa kanluran ay nagsilbing proteksiyon para sa mga Saksi ni Jehova. Maging si Pablo ay umapela kay Cesar.

Subalit ang tanong na dapat nating pag-isipan ay ito: Ano ang mangyayari sa kalayaan sa relihiyon, pananalita, kalayaan sa pamamahayag at ng legal na karapatang umapela at iba pang pinakamamahal na kalayaan, kung ang kasalukuyang Anglo-Amerikanong kaayusan sa mundo ay biglaang bumaliktad- ano kung gayon? Tayo nga ay mahaharap sa pag-ulit ng Nazi Holocaust at ng Komunistang masaker, subalit sa isang mas malawak na pangglobong antas.

Huwag nawang hamakin ng kahit na isa man lamang Saksi ni Jehova ang ideya na ang Amerika ay nakatakdang bumagsak at mapalitan ng isang malupit na pasistang rehimen. Ito ay nakatakdang maganap sa pamamagitan mismo ng salita ni Jehova.

Ang hula ng Joel ay humuhula na ang tila payapa at ligtas na mundo na ating kinabubuhayan ngayon ay lalamunin lamang ng mapandambong na “hukbong militar” ni Jehova at ang mga kalayaan nito- na nakapaloob sa lubos na iginagalang na mga dokumento gaya ng Bill of Rights o Katipunan ng mga Karapatan at ng Konstitusyon ng Estados Unidos ng Amerika- ay masusunog at matutupok sa apoy. Ang mismong mga institusyon na nagsilbi bilang mga pundasyon ng modernong sibilisasyon ay mawawasak. Nagbababalang isinaad ng Joel 2:3: “Sa unahan nito ay may apoy na nanlalamon, at sa likuran nito ay may liyab na tumutupok. Katulad ng hardin ng Eden ang lupain sa unahan nito; ngunit ang nasa likuran nito ay ilang na tiwangwang, at wala ring anumang nakatatakas mula rito.”

Taliwas sa naging pagpapakahulugan ng Watchtower sa Apocalipsis, walang anumang katulad man lamang ng makasagisag na nakamamatay na tama sa ulo ng mabangis na hayop ang naganap noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I o anumang panahon pagkatapos niyaon.

Ang tama ng tabak at ang “makahimalang” pagkabuhay-muli ng Anglo-Amerikanong ulo ng mabangis na hayop ni Satanas na sinusundan ng pagkabuhay ng larawan ng mabangis na hayop ay magaganap pa lamang. Magigi itong nakasisindak, kagila-gilalas at nakawawasak ng bansang kaganapan. Ang pagsapit ng nakamamatay na tama sa Anglo-Amerikanong ulo ng hayop na may pitong ulo ay magpapasimula ng isang pangglobong krisis na hindi gaya ng anumang sakuna na naganap na noon - na tinatapos ang kasalukuyang bansa-estadong sistema at tiyak na magdudulot ng isang pambuong daigdig na pamahalaan na pinangangasiwaan ng United Nations - na may wangis ng kombinasyon ng pasismong pang-korporasyon at ng pambuong daigdig na komunismo. Ang pag-ahon ng hayop mula sa kalaliman ay magpapasimula ng araw ng paghuhukom para sa mga bansa.


“SA MGA BINTANA AY PUMAPASOK SILA”

Ano ang kahalagahan ng punto na ang sumasalakay na mga hukbo ay sinasabing dumadaluhong patungo sa lunsod, sumasampa sa bawat pader at pumapasok sa bawat bahay sa pamamagitan ng bukas na mga bintana gaya ng magnanakaw? Ito ay malamang na naglalarawan sa isang ganap na police state o estadong pulisya at ng kalagayan ng martial law o batas militar, kung saan ang pribadong mga tahanan ay maaring espiyahan sa elektronikong paraan o pisikal na psukin at kung saan ang mga pag-aari ay maaring legal na masamsam nang walang proteksiyon o anumang legal na pag-apela na maaring magawa ng residente.

Maari rin itong maiging sumagisag sa kung paanong ang mga nananahanan sa lupa - maging yaong mga mayayaman na maaring nag-iisip na ang kanilang kayamansn ay ligtas, na para bang nasa likod ng isang nagbibigay proteksiyong pader - ay nakatakdang masamsaman. Ang mga account sa banko, mga treasury bond, stocks, annuities at mga pondo ng pensyon, at maging ang papel na salapi ng mga bansa ay maaring mawalan ng halaga hanggang sa punto na hindi na ito magagamit dahil sa mabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin (inflation) o sa pamamagitan ng iba pang mga uri ng pinansiyal na panlilinlang na higit na mas mabilis na makapangwasak ng isang bansa kaysa sa hukbo ng mga mandarambong. Kung sa bagay, ang tinatabing yaman ng mundo- kasama na ang daang milyong dolyar na ipon ng Watchtower- ay halos mga numero lamang na nakalagay sa kompyuter. Gaano ba iyon kaligtas?

Ang pinaka-kasalukuyang trilyong dolyar na piyansa na tusong ipinasa sa mga Amerikanong tagapagbayad ng buwis ay isang maliwanag na pagtatanghal kung paanong ang mga pribadong pinansiyal na interes ay mayroong kapangyarihan upang pagnakawan ang mga bansa. Ang realidad na malapit nang iduldol sa mundo ay na walang sinuman ang hindi maabot ng nananamsam ng planetang hukbo ng mga balang ni Jehova.

(Kapansin-pansin rin na ayon sa liham ni Santiago, ang mga mayayamang Kristiyano na nakitungo ng walang katarungan sa kanilang mga kapwa mananamba ay nag-imbak ng isang bagay na tulad ng apoy sa mga huling araw at nakatakdang tumangis habang ang kanilang kayamanan ay nabubulok! Ang makahulang kahatulan sa Santiago ay hindi naiiba sa kasindak-sindak na delubyong inilarawan sa Joel.)

Si Jesus ay humula na ang tanda ng kaniyang pagkanaririto ay mahahayag sa pamamagitan ng mga digmaan, kakapusan sa pagkain at mga salot, sa punto na ang mga tao ay manlulupaypay sa takot dahil sa pagdidilim ng mga tanglaw sa langit. Ang Joel 2:30-31 ay kahalintulad na ihinula na ang Diyos ay magbibigay ng mga nagbabadyang mga palatandaan. Ang dalawang talatang iyon ay kababasahan ng: “At ako ay magbibigay ng mga palatandaan sa mga langit at sa lupa, dugo at apoy at mga haliging usok. Ang araw mismo ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.”

Ang katotohanan na ang sipi sa itaas ay gumagamit ng kahalintulad na apokaliptikong mga terminolohiya gaya nga ng ginamit ni Jesus upang ipaliwanag ang tanda ng katapusan ay nagpapakita na ang hula ng Joel ay magkakaroon ng katuparan sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo at makikilala sa pamamagitan ng isang panahon ng walang kahalintulad na giyera; na walang dudang magsasangkot ng kasindak-sindak na paggamit ng nuklear na mga armas at na lilikha ng kinatatakutang “haliging usok” na mas kilala sa Ingles bilang mushroom clouds.  Walang duda na kahit na ang limitadong paggamit ng gayong uri ng katakot-takot na armas ay tiyak na magdudulot ng pagkagulat sa buong daigdig- na niyayanig ang sibilisasyon hanggang sa mismong pundasyon nito- maging si Jehova ay nagsasabi sa Joel 3:16 : “At ang langit at ang lupa ay tiyak na uuga.”


 “MANGYAYARI NGA NA IBUBUHOS KO ANG AKING ESPIRITU”

Sa kalaunan ay magigising rin ang mga Saksi ni Jehova mula sa kanilang maling pag-aakala na ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na, ganoon din ang walang muwang na paniniwala na ang maraming mga hula na nagsasaad na ang bayan ng Diyos ay pag-uusigin at dadalhing bihag sa isang mas dakilang Babilonya ay natupad na noong si J.F. Rutherford at ang pitong iba pang mga Bethelite ay nabilanggo sa piitan ng Atlanta ng walong buwan.


Ang nakapagbibigay katinuang katotohanan na hindi maiiwasang kokompronta sa mga Saksi ni Jehova ay na ang organisasyon ay nakatakdang dumanas ng babilonikong pagkabihag sa malapit na hinaharap. Iyan ay dahil sa ang relihiyosong sistema na kilala bilang Babilonyang dakila ay makaliligtas sa pagbagsak ng kasalukuyang sistemang pang ekonomiya at pang pulitikal. At sa halip na ang Sangkakristiyanuhan ang mawasak ng ikawalong hari sa pasimula ng kapighatian, gaya nga ng paulit-ulit na iginigiit ng Watchtower, mahahanap nga ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga sarili sa ilalim ng takong ng malupit na huling hari at ng mala patutot nitong kasama sa panimulang bahagi ng araw ni Jehova. Ang sumusunod na sipi mula sa Kasulatan ay matutupad pa lamang may kinalaman sa bayan ng Diyos: “At ang aking bayan ay pinagpalabunutan nila; at ibinibigay nila ang batang lalaki kapalit ng isang patutot, at ang batang babae ay ipinagbili nila kapalit ng alak, upang makainom sila.”

Kung iyan ay hindi totoo, kung gayon ay hayaan nawa na bigyan ng makatuwirang pakahulugan ng mga propeta ng Watchtower ang Joel 3:1-2 na kababasahan ng ganito: “Sapagkat, narito! sa mga araw na iyon at sa panahong iyon, kapag ibabalik ko ang mga nabihag sa Juda at Jerusalem, pipisanin ko rin ang lahat ng mga bansa at ilulusong ko sila sa mababang kapatagan ni Jehosapat; at papasok ako roon sa paghatol sa kanila dahil sa aking bayan at sa aking manang Israel, na ipinangalat nila sa mga bansa; at pinaghati-hatian nila ang aking sariling lupain.” 

Ayon sa lipas na na paulit-ulit na pakahulugan ng Watchtower sa Joel, ang klero ang puntirya ng pagkawasak. Subalit, ang huling kabanata ng hula ay naglalarawan kay Jehova na tinitipong muli ang mga bihag na bahagi ng kaniyang bayan bilang panimula ng Armagedon. Malinaw naman na ang mga bihag ay naging gayon dahil sa pagsapit ng kalamidad na inilarawan sa hula. Kaya maliwanag na ang pangwakas na pagtitipon sa mga tatanggap ng kaligtasan ay magaganap sa araw ni Jehova.

Ang kalagayan na inilahad sa itaas ay lubusang kasuwato ng pagkakasunod-sunod ng mga kaganapang inihula ni Jesus na magaganap sa panahon ng katapusan ng sistema ng mga bagay. Ayon kay Jesus, ang mga Kristiyano ay mangangalat sa panahon na ang dakong banal ay dadalhin sa pagkatiwangwang. Sa kinalaunan pa lamang pagkatapos nito, sa wakas, saka lamang titipunin ng mga anghel ang mga pinili mula sa mga hangganan ng lupa.

Ang pagkakausig at pagkakamartir ng mga alagad ni Kristo ay magdudulot ng pagtugon mula kay Jehova. Tulad nga ng sa kaso ng Asirya at Babilonya, kahit na binigyang pahintulot ni Jehova ang mga imperyong iyon upang parusahan ang Israel at ang Juda, nang maglaon ay pinagsulit rin sila dahil sa pakikibahagi nila sa pangwawasak at pang-aabuso sa mana ng Diyos. Ang pakikitungo ng Diyos sa mga bansa ay naglalatag ng parisan para sa paghatol na darating. At habang ang Samahan ng Watchtower at ang mga Saksi ni Jehova ay nagdulot ng kapulaan sa pangalan ng Diyos at sa loob ng maikling panahon ay kailangang magbayad ng kabayaran, ang mga bansa naman na nagpatupad sa mga kahatulan ng Diyos ay magsusulit rin sa harap ng Makapangyarihan-sa-lahat.

Ang Joel 3:4-6 ay nagpapatuloy sa pagsasabi: “At, gayundin, ano ang kinalaman ninyo sa akin, O Tiro at Sidon at lahat kayong mga pook ng Filistia? Iyon ba ang pakikitungo na iniuukol ninyo sa akin bilang kagantihan? At kung iniuukol ninyo sa akin ang gayong pakikitungo, matulin at mabilis kong igaganti sa inyong mga ulo ang inyong pakikitungo. Sapagkat kinuha ninyo ang aking pilak at ang aking ginto, at dinala ninyo sa loob ng inyong mga templo ang aking kanais-nais na mabubuting bagay; at ang mga anak ni Juda at ang mga anak ng Jerusalem ay ipinagbili ninyo sa mga anak ng mga Griego...”

Ang yugto ng kaguluhan at ang pagkatiwangwang ng banal na dako ni Jehova ay ang magsisilbing paraan na maisasagawa ng mga anghel ni Kristo ang pag-aani- na sinasala ang mga walang pananampalataya at balakyot mula sa mga nakatakdang makatanggap ng kaligtasan.

Subalit habang si Jehova ay bumabali, siya rin ay nagtatayo. Si Jehova ay maaring bumali ng buto, subalit siya rin ay nagbibigkis. Si Jehova ay isang tagapagwasak, subalit siya rin ang Tagapagligtas. Ang pagkawasak ng makalupang organisasyon ng Diyos ang magbibigay daan para maibuhos ng Diyos ang kaniyang pagpapala sa mga nadisiplinang nalabi. Kinukumpirma ng Joel 2:32 na “ang mga nakatakas” ay tatanggap ng kaligtasan: “At mangyayari nga na ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas; sapagkat sa Bundok Sion at sa Jerusalem ay doroon ang mga nakatakas, gaya ng sinabi ni Jehova, at kasama ng mga nakaligtas, yaong mga tinatawag ni Jehova.”

Pagkatapos ng maapoy na paglipol, ang mga matapat ay makararanas ng pagbubuhos ng Banal na Espiritu na hindi pa naranasan pamula nang orihinal na pagbubuhos ng espiritu noong araw ng Pentecostes. Ang ika-2 kabanata ng Joel ay humuhula na kapwa ang mga pinahiran (anak na lalaki at babae) at mga di pinahiran (alilang lalaki at alilang babae) ay tatanggap ng kabuuang sukat ng banal na espiritu ng Diyos upang maisakatuparan ang huling yugto ng gawain ng Diyos sa panahon ng kapighatian kung kailan hindi na umiiral ang Watchtower. Ang Joel 2:28-29 ay humuhula: “At pagkatapos nito ay mangyayari nga na ibubuhos ko ang aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay tiyak na manghuhula. Kung tungkol sa inyong matatandang lalaki, mananaginip sila ng mga panaginip. Kung tungkol sa inyong mga kabataang lalaki, makakakita sila ng mga pangitain. At maging sa mga alilang lalaki at sa mga alilang babae sa mga araw na iyon ay ibubuhos ko ang aking espiritu.”

Subalit, hindi tulad noong araw ng Pentecostes kung saan iniluwal ng banal na espiritu ang mga unang anak ng kaharian, ang pagbubuhos ng banal na espiritu sa mga anak na lalaki at anak na babae sa araw ni Jehova ay hindi magpapahid sa kanila. Iyan ay sapagkat sila ay napahiran na sa panahong iyon. Ang ganap na katuparan ng hula ay may kinalaman sa lubusang pagkatanggap sa katawan ni kristo sa kaharian, kaya naman sa puntong iyon, sa pinaka-madilim na yugto ng daigdig, ang mga pinili ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang kaganapang iyon ang magpapasimula sa matagal nang hinihintay na paghahayag sa mga anak ng Diyos.

Ang panghuhula na idinulot ng pagbubuhos ng espiritu na iyon ay walang dudang may kinalaman sa paghahayag ng tunay na pagkakatatag ng kaharian- hindi sa kasalukuyang paraan na nangangaral ang mga Saksi, subalit sa pamamagitan ng espiritu at kapangyarihan.

Ang “makakakita sila ng mga pangitain” ay ang magiging kauna-unahang tumpak na pagkaunawa ng mga makahulang pangitain na nakaulat sa Bibliya. Subalit sa halip na pag-aalok ng pag-asa ng kaligtasan sa mga bansa, ang mga tunay na mga Saksi ni Jehova ay sisigaw ng “sigaw ng digmaan”- na inaanunsiyo sa mga bansa na kailangan nilang harapin si Jehova sa “mababang kapatagan ng pasiya, sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na sa mababang kapatagan ng pasiya.” –Joel 3:14